Ang
layag /la·yág/ o
menopause sa
Ingles, nagmula sa Griyegong
mens o "buwanan" at
pausi o "paghinto", ay ang
likas at permanenteng paghinto ng
pagreregla. Ang pagtigil ng regla ay kinasasangkutan ng pagtigil sa pagganap ng mga bahay-bata sa kanilang pangunahing mga tungkulin: ang pagpapahinog at pagpapakawala ng mga oba o
obum (itlog) at ng pagpapakawala ng mga hormona na nagsasanhi ng kapwa paglikha ng sapin ng
bahay-bata (
uterus) at ang kasunod na pagkalagas ng saping ito (iyung tinatawag na pagreregla o "buwanang dalaw"). Nagsisimula ang hindi na pagreregla kapag huminto na ang mga
obaryo sa pagpapakawala ng mga
obum o itlog bawat buwan. Maaari itong maganap habang nasa
katandaan na, partikular na ang kababaihang nasa gitnang kapanahunan ng kanilang buhay (kahulihan ng edad na 40 o kaagahan ng edad na 50) ang isang babae o dahil sa siruhiya sa bahay-bata. Isa itong palatandaan ng wakas ng yugto ng
pertilidad o pagkakaroon kakayahang mag-anak sa buhay ng isang babae. Bumabagsak ang antas ng mga hormonang pambabae, dahil nililikha ang mga ito ng mga bahay-bata na tumigil na sa pagtatrabaho. Dahil sa pagbabago sa kaantasan ng mga hormona, ang isang babae ay nagkakaroon ng mainit at rumaragasang pamumula (
hot flushes) at mga palpitasyon,
depresyon, pagkabahala, pagkainis, pagbabagu-bago ng asal (
mood swings) at kawalan ng konsentrasyon.