Ang
pagpalya ng puso o
panghihina ng puso (Ingles:
heart failure, dinadaglat na
HF, na madalas na tinatawag bilang
congestive heart failure, dinadaglat bilang
CHF o
congestive cardiac failure, dinadaglat bilang
CCF, na ang dalawang panghuli ay may kahulugang pagkabigo ng puso sa tungkulin nito na mayroong paninikip), ay nagaganap kapag hindi na nagawa ng
puso na makapagbigay ng sapat na galaw na pagbomba o pagpintig upang makapagpanatili ng daloy ng dugo upang maabot ang mga pangangailangan ng katawan. Ang pagpalya ng puso ay maaaring makapagdulot ng isang bilang ng mga sintomas na kinabibilangan ng kahirapan sa paghinga (hinahabol ang hininga), pagbintog o pamamaga ng mga hita (pagkakaroon ng
manas sa mga hita), at hindi makatagal sa pag-eehersisyo. Ang kalagayan ay napag-aalaman o nadidiyagnosis sa pamamagitan ng pagsusuri ng katawan ng pasyente at natitiyak sa pamamagitan ng ekokardiyograpiya. Nakakatulong ang mga pagsusuri ng dugo sa diyagnosis na pang-etiyolohiya. Ang pagharap na paglulunas ay nakabatay sa kalubhaan at etiyolohiya ng pagpalya ng puso. Sa isang pasyenteng
kroniko na nasa matatag nang katayuan, ang paggamot ay karaniwang binubuo ng mga gawain sa estilo ng pamumuhay na katulad ng pagtigil sa paninigarilyo, ehersisyong magagaan, mga pagbabago sa diyeta, at mga medikasyon (mga gamot). Sa kung minsan, ayon sa etiyolohiya, ginagamot ito sa pamamagitan ng mga aparatong iniimplanta o "itinatanim" sa katawan o sa puso katulad ng mga
pacemaker o ng mga aparatong pantulong sa mga bentrikulo o mga
ventricular assist device) at kung minsan ay kailangan ang pagtatransplanta ng puso (mula sa katawan ng ibang tao na kamamatay pa lamang).