Ang
panloob na panggagamot,
medisinang internal, o
medisinang panloob ay ang medikal na espesyalidad na may kaugnayan sa pag-iwas, diyagnosis, at paglulunas ng mga karamdaman ng mga taong nasa wastong gulang o mga adulto. Nagmula ang katawagang "medisinang internal" buhat sa salitang Aleman na
Innere Medizin, isang disiplinang pinatanyag sa
Alemanya noong huling panahon ng dekada ng 1800 upang ilarawan ang mga manggagamot na nagsasanib sa agham ng laboratoryo sa pangangalaga ng mga pasyente. Marami sa mga Amerikanong duktor ng kaagahan ng ika-20 daang taon ang nag-aral ng
panggagamot sa Alemanya at nagdala ng larangan ng medisinang ito sa
Estados Unidos. Kaya inako nila ang katawagan at naging pangalang Ingles na
internal medicine. Karaniwang tinatawag na mga
internista ang mga medikong espesyalista. Dahil sa ang kanilang mga pasyente ay kadalasang malubha ang sakit o nangangailangan ng masalimuot na mga imbestigasyon, ginagawa ng mga internista ang karamihan sa kanilang mga gawain sa loob ng mga ospital.