Ang
kalusugang pampubliko ay ang agham at sining ng pag-iwas at pagpigil sa mga
karamdaman, pagpapahaba ng
buhay, at pagtataguyod ng
kalusugan sa pamamagitan ng itinatag na mga pagsusumikap at mga gawain at maalam na mga pagpili ng lipunan, mga samahan, publiko man o pribado, mga pamayanan at mga indibiduwal (1920, C.E.A. Winslow). Samakatuwid, layunin ng kalusugang pampubliko ang matabanan o makuntrol at maiwasan ang pagkakaroon ng sakit at mapanatili ang kapaligirang malusog para sa lahat. Tinatawag din itong
kalusugang pangmadla,
kalusugang pambalana,
kalusugang pangmasa, o
kalusugang pambayan. Nagbibigay-pansin ang kalusugang pampubliko sa mga banta sa pangkalahatang kalusugan ng isang pamayanan batay sa pagsusuri ng kalusugan ng populasyon. Ang tinutukoy na
populasyon ay maaaring kasingliit ng isang mabibilang na dami ng mga tao o kasinglaki ng lahat ng mga naninirahan sa ilang mga
kontinente (halimbawa na kaso ng
pandemiko). Kalimitang nahahati ang kalusugang pampubliko sa
epidemiyolohiya,
biyoestadistika, at palingkurang pangkalusugan (serbisyong pangkalusugan). Mahahalagang kabahaging mga larangan din nito ang kalusugang pangkapaligiran, panlipunan, pang-ugali, at panghanapbuhay. May dalawang natatanging mga katangian ang kalusugang pampubliko:
- Tumutuon ito sa pag-iwas sa halip na pagbibigay-lunas na aspeto ng kalusugan;
- Tumutuon ito sa antas ng populasyon, sa halip na mga paksa ng kalusugan na nasa antas ng indibiduwal.