Mula sa lumang
Griyego na λόγος (
logos) ang
lohika. Ang literal nitong kahulugan ay “ang salita” o “ang sinabi”, ngunit mas pinipili ang kahulugan nito bilang “kaisipan” o “katwiran”. Ito ang
pangangatwiran na ginagamit upang maabot ang katapusang pangungusap (konklusyon) mula sa hanay ng mga palagay. Sa mas pormal na kahulugan, isang pag-aaral ng mga palagay ang lohika—ang proseso kung saan nalilikha ang mga bagong pahayag mula sa mga napatunayan nang mga pahayag. Isang masalimuot na talakayan sa pagitan ng mga pilosopo ang pagbibigay ng eksaktong kahulugan sa “lohika.” Ngunit anuman ang batayang napili para sa pag-aaral ng lohika, ang mithiin ng mga tagapagtaguyod nito ay ang pagpapaunlad sa kakayanan ng tao na mapaghiwalay ang mga tumpak sa di-tumpak na pangangatwiran bilang gabay sa wastong pag-iisip.