Ang
pagpapatalastas o
pag-aanunsiyo (Ingles:
advertising) ay isang uri o anyo ng
komunikasyon o pakikipagtalastasan para sa
pagmemerkado o pagmamarket (
marketing) at ginagamit upang mahikayat o mahimok ang mga madla (mga manonood, mga mambabasa, o mga tagapakinig; na kung minsan ay isang tiyak na pangkat) na magpatuloy o gumawa ng ilang bagong kilos. Sa pinaka karaniwan, ang inadhikang resulta ay ang maimpluwensiyahan ang ugali ng tagakonsumo o mamimili alinsunod sa isang alok na komersiyal o kalakal, bagaman karaniwan din ang pagpapatalastas na pampulitika at pang-ideyolohiya. Sa wikang Latin, ang pariralang
ad vertere, na pinaghanguan ng salitang Ingles na
advertising, ay may kahulugang "ibaling ang isipan papunta sa [isang bagay]". Maaaring maging layunin din ng pagpapatalastas ang paasahin ang mga empleyado at mga "kasalo" (mga
shareholder) na matatag o matagumpay ang isang kumpanya. Ang mga mensaheng pampatalastas ay karaniwang binabayaran ng mga isponsor at nakikita sa pamamagitan ng samu't saring midyang tradisyunal (miyang nakaugalian); kabilang na ang
midyang pangmasa na katulad ng
pahayagan,
magasin, komersiyal na pangtelebisyon, patalastas sa radyo, patalastas na nasa labas ng gusali o panlasangan, o tuwirang pagpapadala sa pamamagitan ng koreo; o kaya sa pamamagitan ng
bagong midya na katulad ng mga
blog, mga
websayt, o mga mensaheng teksto.